Nasa 25 Pilipino ang inaasahang babalik ng Pilipinas dahil sa krisis pang-ekonomiya na nararanasan sa Sri Lanka, ayon sa isang grupo ng mga Pinoy doon.
Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Philippine Ladies Association in Sri Lanka President Virginia Perera na 25 ang nagpalista sa repatriation program ng Pilipinas.
"'Yong iba po, gusto nila isama 'yong mga asawa. Pero mga Sri Lankan passport po 'yung mga 'yon," ani Perera.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), puwedeng isama ng mga Pinoy ang kanilang pamilya kahit pa iba ang lahi ng asawa't mga anak.
Magpapadala din umano ng team mula Pilipinas at Bangladesh Embassy para alamin ang sitwasyon sa Sri Lanka.
Nagkasa ng repatriation program ang Pilipinas sa Sri Lanka matapos mabangkarote ang bansa. Ngayon, limitado ang mga supplies doon at lumobo ang presyo ng pagkain, gamot at petrolyo.
Sa tala ng DFA, may 581 Pilipino sa Sri Lanka.
Nauna nang sinabi ng DFA na bibigyan nila ng $300 o nasa P15,000 na financial assistance ang mga Pilipino na hindi makakaalis ng Sri Lanka.
Ang mga nagdesisyon nang umuwi ay dapat makipag-ugnayan sa Philippine Honorary Consul sa Colombo, sa Philippine Embassy sa Dhaka, Bangladesh, o sa DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.