Penitential walk: Mga pari sa Maynila ipagdadasal na matapos na ang pandemya

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2021 09:09 AM

MAYNILA - Sa unang pagkakataon, magsasagawa ng penitential walk ang mga pari ng Archdiocese of Manila ngayong unang araw ng Hunyo. 

Itinalaga ni Bishop Broderick Pabillo ang araw na ito bilang Archdiocesan Day of Prayer and Fasting. 

Ito ay para ipagdasal ang bansa at ipanalangin ang katapusan ng COVID-19 pandemic. Nagtitipon ang mga pari sa Quiapo Church Martes ng umaga para sa isang communal penitential service kung saan magdadasal sila at mangungumpisal o hihingi sila ng kapatawaran. 

Pagkatapos ay gagawin na ang tinatawag na penitential walk. Maglalakad ang mga pari mula Quiapo Church papuntang Sta Cruz Church kung saan magdaraos ng misa pagkatapos. 

Naghahanda na rin ang mga hijos dito para matiyak na maging maayos ang paglalakad. Sinara na rin ang Plaza Miranda sa publiko. 

Nilinaw ng simbahan na hindi pwedeng sumali ang publiko sa penitential walk. Bawal sumama ang mga deboto at tanging mga pari lamang ang sasali para masunod ang mga health protocol. 

Inaanyayahan ang publiko na manood na lang sa livestream o online. 

Inaanyahan din ang mga Katoliko na magdasal sa kanilang mga bahay para sa bansa.