PatrolPH

Naipong galit idinahilan ng pulis sa pamamaril sa lola

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2021 08:41 PM

Watch more on iWantTFC

Naipong galit ang sinasabing dahilan ng isang pulis kaya niya nagawang barilin ang isang lola sa Barangay Greater Fairview, Quezon City nitong madaling araw ng Lunes.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Master Sgt. Hensie Zinampan, humingi ng tawad ang pulis sa pamilya ng binaril niyang si Lilibeth Valdez, 52.

Binawian ng buhay si Valdez dahil sa pamamaril, na nakuhanan ng cellphone video.

Naipon daw kasi ang galit ni Zinampan sa mga anak ng biktima.

"Patawarin nila ako... Hindi nila ako nirerespeto," ani Zinampan, na sinampahan ng kasong murder ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay Zinampan, ginulpi siya kamakailan ng 2 anak ng biktima gayong inawat lang niya ang pag-aaway ng mga ito.

"Binugbog ako. Na-black eye ako. Hindi nila nirerespeto ang pulis," aniya.

Ipina-blotter ni Zinampan, na miyembro ng Police Security and Protection Group, sa Fairview police ang nangyari.

Inamin din ni Zinampan na nakainom siya bago ang insidente.

Galit na galit naman si Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar kay Zinampan nang kumprontahin ito sa tanggapan ng QCPD.

Ayon kay Eleazar, ano man ang kalabasan ng imbestigasyon, tiyak na matatanggal sa serbisyo si Zinampan.

Dumating din nitong Lunes sa crime scene ang ilang imbestigador mula sa Commission on Human Rights.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.