PatrolPH

Ilegal na drogang may halagang P775k nasabat sa mga buy-bust sa Camanava

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2021 09:14 AM

Watch more News on iWantTFC

Timbog ang anim na lalaki na mga tulak umano ng droga sa magkakahiwalay na anti-drug operation ng Northern Police district.

Batay sa paunang impormasyon mula sa NCRPO-PIO, nasakote ng tauhan ng Malabon PNP ang suspek na si alyas Richard, isang high-value target, at ang lalaki niyang kasamahan sa buy-bust operation sa Barangay Potrero.

Nakumpiska sa dalawa ang 16 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P108,000.

Sa Navotas naman, timbog R. Domingo street, Barangay Tangos North ang 3 lalaking nasa drugs watchlist ng lungsod.

Nagsasgawa ng covert-patrolling at anti-illegal drugs validation ang pulisya sa nasabing lugar matapos makatanggap ng impormasyon na may ilegal na gawain doon.

Nang inaresto ang tatlong suspek, nakumpiska sa kanila ang 23 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P156,000.

Samantala, isang 41 anyos na lalaki naman inaresto ng Caloocan PNP sa isang buy-bust operation sa Barangay 188.

Gamit ang boodle money, nakabili ang poseur-buyer ng medium-sized sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek. 

Nang arestuhin, nakumpiska ang 70 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500,000.

Lahat ng mga tinimbog ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.