PatrolPH

Higit 200 biyahero stranded sa Matnog Port dahil sa Bagyong Dante

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2021 11:35 AM

Higit 200 biyahero stranded sa Matnog Port dahil sa Bagyong Dante 1
Suspendido ang biyahe ng mga sasakyang pandagat mula Matnog Port nitong Hunyo 1, 2021 dahil sa masamang panahong dala ng Bagyong Dante. Retrato mula sa Philippine Ports Authority-Terminal Management Office Matnog

Stranded ang nasa 200 pasahero sa Matnog Port sa Sorsogon Martes matapos suspendehin ng Philippine Coast Guard ang biyahe papuntang Visayas at Mindanao dahil sa masamang panahong bunsod ng Bagyong Dante, ayon sa opisyal ng Philippine Ports Authority.

Bandang alas-10 ng umaga, pinalabas ng pantalan ang mga stranded na pasahero at sasakyan para pansamantalang ilikas sa evacuation center ng local government unit, ayon kay Achille Galindes, acting division manager ng PPA Terminal Management Office sa Matnog.

Ito'y matapos isailalim sa signal no. 2 ang lalawigan.

"Ang protocol dito, kapag signal number 2, dapat wala ditong mag-stay sa pantalan kasi hindi sila dito safe," paliwanag ni Galindes.

Hinihintay pa ng PPA ang iba pang hakbang ng lokal na pamahalaan sa mga stranded na pasahero.

Naglabas din ng abiso ang Land Transportation Office sa Bicol na kanselado ang biyahe ng mga sasakyang papuntang Bicol.

Maibabalik lang sa normal ang biyahe, lalo sa mga sasakyang pandagat, kapag inalis na ng PAGASA ang storm signal sa lalawigan.

Hindi bababa sa 3 tao ang naiulat na nasawi dahil sa mga baha na dala ng Bagyong Dante.

— Ulat ni Karren Canon

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.