Trapiko sumalubong sa mga balik-opisina sa unang araw ng Metro Manila GCQ

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 11:16 AM | Updated as of Jun 01 2020 06:43 PM

Mahahabang pila ng kotse at mga commuter ang sumalubong sa mga nagbabalik-opisina sa Commonwealth Avenue sa unang araw ng general community quarantine sa Metro Manila. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Mahahabang pila ng kotse at mga commuter ang sumalubong sa mga nagbabalik-opisina sa unang araw ng general community quarantine sa Metro Manila. 

Kaakibat ng GCQ ang pagbabalik ng piling uri ng transportasyon, maging ang trabaho sa ilang sektor, matapos ang 2 buwang mahigpit na lockdown na ipinataw para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19)

Watch more in iWant or TFC.tv

NAGBISIKLETA, NAGLAKAD KAHIT GALING PROBINSIYA 

Dahil walang masakyan, naglakad ang security guard na si Ronnie Abrajao mula Marilao, Bulacan para makasakay papunta sa pinagtatrabahuan sa Malinta, Valenzuela City. 

"Naglakad po ako mula Marilao mahirap po. Sana po ngayon GCQ na tayo magkaroon na sana ng public transport para makasakay na tayo," ani Abrajano. 

Nagpalabas umano ng mga sasakyan ang Valenzuela LGU para maayudahan ang mga sasakay papasok ng trabaho ngayong may GCQ at suspendido pa rin ang pagpasada ng ilang sasakyan. 

“12 sasakyan po ang pinalabas ni Mayor Rex (Gatchalian) para makasakay po yung mga tao na magbabalik-trabaho po ngayon,” ayon sa traffic enforcer na si Ronnie Abrajano. 

Limitado lang ang puwedeng makasakay sa mga truck para masiguro ang physical distancing. 
 
Nagbisikleta naman ang isa pang security guard na si JR Alonzo mula Quezon Avenue hanggang sa kaniyang bahay sa Marilao. 

“Maganda mag-bike tipid at matagal na rin po ako nag-bike, 6 years na rin po,” ani Alonzo. 

Bukod sa mas pahirapan ang pagsakay, mas tumaas daw ang bayad sa pamasahe ng ilan, gaya ni Jojo Sulit. 

P100 kasi ang kaniyang pasahe mula Malolos hanggang North Avenue sa Quezon City - kung nasaan ang himpilan ng MRT at ng mga augmented bus station. 
 
“Umabot din ng P400 balikan... Ang pamasahe ko lang dati nasa P150 lang ang balikan na 'yun. Okay sana GCQ makakapasok kaso sa biyahe mahihirapan, walang jeep puro traysikel tapos special trip pa. ‘Yun din po iniisip yung pauwi ko. Makakapasok ako. Kaso walang kasiguruhan pauwi,” ani Sulit.

SITWASYON SA KAMAYNILAAN 

Inabot ng 2 oras ang paghihintay ng ilang commuter sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Aabot sa 300 bus lang kasi ang pinapayagang pumasada sa unang araw ng general quarantine. 

Dahil dito, napilitan ang ilan, gaya ni Nelson Motos na maglakad mula Commonwealth papuntang JP Rizal Avenue sa Makati para lang makapagtrabaho. 

"Takot talaga pero wala magagawa. Kailangan kumayod,” aniya. 

Ang janitor na si "Lucy" napilitang mag-taxi para lang umabot nang maaga sa trabaho. 

"Walang magagawa. Tiis na lang kasi kung di lalabas eh gugutumin kami," aniya, na magtatrabaho sa unang beses sa 2 buwan. 

Bumagal din ang usad ng mga sasakyan sa EDSA southbound lane papuntang Cubao pasado alas-7 Lunes ng umaga. 

Mahaba rin ang pila sa mga train station sa pagsisimula ng general quarantine. Kasabay nito, mahigpit nilang ipinapatupad ang physical distancing sa mga istasyon. 

Pautay-utay ang gagawing pagpayag sa pagpasada sa mga pampublikong sasakyan sa GCQ. 

Limitado lang din ang kapasidad ng mga tren sa kalagitnaan ng lockdown. 

Mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 21, papayagan na muli ang operasyon ng tren, taxi, ride-hailing car service tulad ng Grab, bus augmentation units, point-to-point (P2P) buses, shuttle services, at mga bisikleta.

Lahat ng ito, limitado lang ang kapasidad at hindi tulad noon na maaaring magsiksikan ang mga pasahero.

Pinapayagan naman ng DOTr ang mga tricycle pero nasa lokal na pamahalaan daw kung papayagan silang pumasada. -- May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.