PatrolPH

Sunog sa Mandaluyong itinaas sa general alarm; 1,000 pamilya, nawalan ng tirahan

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 10:41 PM | Updated as of Jun 02 2020 02:44 PM

MAYNILA (UPDATE) - Itinaas sa general alarm o pinakamataas na alarma ang sunog sa Fabella Street, Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City nitong Lunes ng gabi. 

Ayon kay Mandaluyong Fire Marshall Supt. Jose Callos Jr. ng Bureau of Fire Protection, residential area ang tinutupok ng sunog na nagsimula 5:30 pa ng hapon sa bahay ng isang ng isang Maria Belen Bacay Santos.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang magkakatabing bahay, dagdag pa ng mga awtoridad.

Looban pa ng barangay ang nasusunog na mga bahay kaya hirap ang mga bumbero na mapasok ito. 

Pinagdudugtong-dugtong na lamang ang mga hose upang maidaan sa mga eskinita at maabot ang apoy. 

Kaniya-kaniya ring salba ng mga gamit ang mga apektadong residente. 

Ayon kay, Ericson Maramba walang natira sa kanyang bahay kundi sunog na mga kahoy lamang.

“Simula po sa labasan malapit sa salon doon nagsimula tapos umaano ang hangin papunta sa looban, inabot na rin po. Di ko lang alam sa magulang ko kung ano ang gagawin namin,” aniya.

Ayon naman kay Jennifer Peneligan, ipinapagsa-Diyos na lamang niya ang lahat ng nangyari.

“Pagod na pagod po ako. Yung mga papeles saka kailangan ng mga bata ang nakuha namin. Hindi namin alam kung mag babalikan pa, dalawang bahay abot na kami. Bahala na si Lord,” aniya. 

Idineklarang fire under control ang sitwasyon bandang hatinggabi.

Anim ang naitalang sugatan sa sunog, kasama na ang isang menor de edad, ayon kay Callos.

Natupok ng apoy ang nasa 800 na bahay habang 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan. Aabot naman sa P2 milyon ang halaga ng pinsalang dinulot ng sunog.

--May ulat nina Lyza Aquino at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.