Remote enrollment sa mga paaralan nag-umpisa na

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dati, dagsa ang mga magulang at estudyante sa mga paaralan para sa enrollment at pag-volunteer sa Brigada Eskuwela.

Pero ngayong may pandemya, sa Facebook na inilunsad ang Oplan Balik Eskwela at Brigada Eskwela.

Ayon din sa Department of Education (DepEd), nakalaan ang buong buwan ng Hunyo para sa enrollment, pero mula Hunyo 1 hanggang 15 tanging remote enrollment lang ang ipatutupad.

Hindi pa man nag-umpisa ang pormal na enrollment, marami na raw magulang ang nagpahayag ng pagnanais na ituloy ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

"Ang Region 7 ay 75 percent na ng projected enrollment, na-attain na, at saka may mga eskuwelahan na tayo na overbooked," ani Education Secretary Leonor Briones.

"Ito ay nagpapakita, we really value education, we hold it high, perhaps highest in priority," dagdag ni Briones.

Nakatakdang magpatupad ang mga paaralan sa darating na pasukan — na magsisimula sa Agosto 24 — ng mga alternatibong paraan ng pagkatuto matapos ipagbawal ang face-to-face learning dahil sa COVID-19.

Ayon naman kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, maglalabas ang kagawaran ng mga alituntunin para sa mga hindi pa makakapag-enroll.

"Ang instruction ngayon sa field units natin... is to enlist all and then we will take care of the organization of classes. Hindi ito first come, first serve," ani Malaluan.

Aminado rin ang ilang mga magulang na kinakabahan sila lalo ngayon at sila ang magtuturo sa mga anak sa bahay.

"Medyo kinakabahan din at nangangapa," anang magulang na si Jasper Basmayor.

Isa sa target ng DepEd para sa Brigada Eskwela ay ihanda ang mga magulang na magtuturo sa kanilang mga anak.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.