Mga residente ng Boracay, pinayagan nang maligo sa beach

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 06:07 PM | Updated as of Jun 02 2020 07:40 PM

Watch more in iWantTFC
Video courtesy of Alan Palma Sr.

MALAY, Aklan - Pinayagan na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na maligo sa dagat ang mga residente ng Boracay Island simula ngayong Lunes, kasabay ng pagpapatupad ng modified general community quarantine sa lalawigan sa gitna ng coronavirus pandemic.

Para mapangalagaan ang kalusugan ng mga residente, kinakailangan muna nilang magrehistro ng pangalan sa life guard post. Kukuhanan din sila ng body temperature, at kinakailangang may suot na face mask habang hindi pa lumalangoy.

Ang residenteng si Archie Aniel, ikinatuwa na maari na silang lumangoy sa beach matapos ang dalawang buwang pagsasara nito.

Watch more in iWantTFC

"'Yung mga baby namin, masaya, nae-enjoy namin... at least we are safe, that's the most important kaya may rules," aniya.

Bagama't hindi umano malinaw kay Elena Omugtong at sa kapatid niyang si Ivana, mga banyagang residente ng isla, kung bakit kinailangang isara ang beachfront ng Boracay, ikinagalak naman nila na binuksan na muli ito.

"At first we don’t understand why it closed...follow the rules, the island is going to be open soon, and our life is coming back," ani Elena.

Nilinaw ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista na tanging mga residente ng isla muna ang papayagang lumangoy sa dagat hangga't hindi pa natatapos ang dry run sa balik-operasyon ng turismo.

Sisiguruhin rin umano ng lokal na pamahalaan na sinusunod ang mga guidelines kaya nagtalaga sila ng mga personnel na magbabantay sa beachfront.

"We have 99 beach guards, 50 marshalls, 50 LGU securities, kasama pa ang PNP (Philippine National Police), Coast Guard at MARICOM (Maritime Command)," ani Bautista.

Kailangang mapanatili ang 2 metrong distansya sa bawat lumalangoy sa apat na swimming areas sa isla.

Bukas ang beachfront mula 6:00 hanggang 10:00 ng umaga at mula 3:00 hanggang 6:00 ng gabi.

Matatandaang itinigil ang tourism operations sa isla noong Marso para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.