Lalaki patay, kuya sugatan sa pamamaril sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 01:05 PM

Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang kuya matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng motorsiklo sa Sultan Kudarat, Maguindanao, sabi noong Linggo ng pulisya.

Kinilala ng Sultan Kudarat police ang nasawing biktima bilang si Laurence Gandalla, 38, habang ang nasugatan ay si Feliciano Gandalla, 40. Pareho umano silang residente ng bayan ng Parang, Maguindanao.

Sakay ng motorsiklo ang magkapatid at pauwi sana sa Parang galing Cotabato City nang mangyari ang insidente noong gabi ng Biyernes, ayon sa pulisya.

Pero pagdating sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, biglang binuntutan ang magkapatid ng 2 lalaking sakay rin ng motorsiklo saka pinagbabaril.

Sa ngayon, inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pamamaril.

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.