Kapitbahay ng namatay na COVID-19 patient, nagpositibo rin sa sakit

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 08:46 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Umakyat na sa 14 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod matapos inanunsyo ng City Health Office nitong Lunes na isang 59-anyos na babae ang nagpositibo sa sakit.

Kapitbahay ito ng 62-anyos na babaeng COVID-19 patient na namatay noong Mayo 16 sa Macanhan, Barangay Carmen sa Cagayan de Oro City.

Una nang nagpositibo ang asawa at anak ng namatay na pasyente.

"We extracted the family last Saturday May 30 for swab testing and rapid diagnostic testing and merong isa inconclusive ang result. All five in the family were swab-tested and among the five, only one is positive from the swab test," sabi ni Dr. Lorraine Nery, officer-in-charge ng City Health Office.

Dahil umakyat na sa apat ang positibong kaso sa naturang komunidad, palalawigin pa ang istriktong containment sa parte ng barangay hanggang sa Hunyo 19.

Hindi pa rin makakalabas ang hindi kasama sa APOR o Authorized Persons Outside Residence kahit nakasailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang rehiyon.

"We will still enforce quarantine rules sa area, ang makakalabas lang yung APOR. Yung mga bata at senior citizen, manatili muna sa bahay," sabi ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno.

Dinala na ang bagong COVID-19 patient sa City Isolation Unit at kasalukuyang asymptomatic o walang iniindang sintomas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.