PatrolPH

Kahit GCQ na: Ilang manggagawa napilitang maglakad dahil walang masakyan

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 06:09 PM

MAYNILA — Walang masakyan ang ilang manggagawa sa Calamba City, Laguna sa unang araw ng pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa probinsya.
    
Balik-trabaho ang construction worker na si Ariston Gonzales na dalawang buwang natengga dahil sa lockdown. Pero dahil wala siyang pera, nagpasya siyang maglakad mula sa Barangay Uno sa Calamba City papuntang Canlubang.

"Wala namang bisikleta, wala namang pambili... 'yung ipapambili ko eh di ipanlalaman-tiyan na lang ng mga bata... Kung hindi naman ako magtatrabaho, wala naman akong maipapakain sa pamilya ko," aniya.

Sa kasagsagan ng lockdown, sa ayuda ng gobyerno siya umasa para may pambili ng pagkain.

Nagtiyaga ring maglakad nang 2 oras papuntang city hall si Christian Omega para kumpletuhin ang requirements sa pabrikang pagtatrabahuhan.

"Kapag nag-commute napakamahal rin ng gastos. Kaya tiis na rin muna sa lakad. Maaga pa rin naman kasi eh," ani Omega.

Dahil special trip pa lang ang puwede sa mga tricycle, mas pinili na lang ni Dianne Torres na maglakad din bitbit ang anak para umuwi sa kanilang bahay sa kabilang barangay.

"Mahirap po kasing sumakay tapos ang mahal-mahal pong sumingil. Tricycle lang po wala pa po kasing jeep," ani Torres.

Ayon kay Calamba City Mayor Timmy Chipeco, hinayaan nilang magtaas ng pasahe sa mga tricycle doon para makabawi sa pagkalugi.

"We allowed a little bit of increase at least 25 percent more because kawawa naman 'yung driver. Dati kasi puwede tatlo eh naging isa na lang."

Muling paalala ng Calamba City, kahit naka-GCQ na, marapat na sumunod pa rin sa health protocols na physical distancing at pagsusuot ng face mask para hindi mahawa at makahawa ng COVID-19. —Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.