Isa sa mga kasong isinampa sa Anakpawis volunteers sa Norzagaray, ibinasura ng korte

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 11:35 PM

MAYNILA - Ibinasura ng Norzagaray, Bulacan Municipal Trial Court ang kasong paglabag sa Republic Act 11332 na isinampa laban kina dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao at ilang Anakpawis volunteers na magsasagawa sana ng relief operation sa Norzagaray noong Abril.

Sa desisyon ng korte, sinabing hindi naaayon bilang paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang kawalan ng travel o quarantine pass, na isa sa basehan ng mga sinampang kaso sa volunteers.

Inaantabayanan pa ang desisyon ng korte sa iba pang kasong sedition at usurpation of authority.

Sa isang pahayag, sinabi ni Casilao na maituturing na political persecution sa mga kritiko ng pamahalaan ang mga kaso laban sa kanila.

Humingi na ng pahayag ang ABS-CBN News sa Norzagaray Police ukol dito.

Noong Abril, inaresto ang grupo ni Casilao dahil hindi umano nakapag-prisinta ng travel pass sa quarantine checkpoint.