EDSA habang GCQ: Mga commuter, motorista 'nagkalituhan' sa bagong bus lanes

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagkalituhan ang mga pasahero at motorista sa EDSA, sa pag-arangkada ng general community quarantine partikular na sa mga lane na inilatag ng Metropolitan Manila Development Authority, dahilan para magkaroon ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA.

May ilang motorista na nagulat sa mga concrete barrier na inilagay sa EDSA, na itinuturing na “modified yellow lane” para sa mga dadaan na bus, ayon kay EDSA traffic czar Bong Nebrija.

"Nagsiksikan sila dun kahit may signage na kami na dito na ang daanan ng mga bus. Nagpumilit yung iba, andaming pasaway. Bago na nga ang yellow lane kaya napaka luwag ng service road, yung dating yellow lane, pwede na nilang daanan yun,” ani Nebrija.

Ang ilang commuter, sa dating loading at unloading areas pa rin nag-aantay ng masasakyan, kaya pinapara na lang nila ang mga dumaraang sasakyan at umaasang may magsasakay sa kanila.

“Kaninang umaga nahirapan na nga kami makasakay ngayon pauwi na, pagod na kami. Apat kaming magkakapatid, kaninang alas dos naglakad na kami, sinakay kami ng isang taxi pero binaba kami dito kasi apat kami, baka mahuli siya hanggang ngayon naghihintay kami sabi ng Department of Transportation naman may sasakyan,” ayon sa isang frontliner na nagko-commute sa EDSA.

Noong isang linggo pa inilabas ng MMDA ang anunsiyo tungkol sa modified yellow lanes.

May ilang tineketan. Pero hindi na inasahan nina Nebrija na hindi ganoong karami ang lumabas na bus na sasalo sana sa mga pasaherong manggagaling sa mga istasyon ng LRT at MRT.

Agad naman daw rumesponde ang mga awtoridad nang mapansin na bumibigat ang daloy ng trapiko, ayon kay Nebrija.

Nagpa-deploy na rin ng libreng sakay ang Armed Forces of the Philippines.

Ang ilang commuter, sumakay sa mga augmentation bus na inilaan ng gobyerno para sa mga pasahero na hindi gagamit ng Metro Rail Transit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinamantala ng ilan ang pagluwag ng lockdown at ang pagpayag sa augmentation buses para makapiling muli ang pamilya. Kabilang dito si Dolores Francisco, na kasambahay sa Rizal.

Inihatid lang siya ng kaniyang amo sa sakayan ng bus sa North Avenue, Quezon City.

Puwede rin daw sana siya mag-MRT pero mahihirapan daw siyang iakyat ang kaniyang bagahe kaya nag-bus na lang siya.

“Nung ano pa dapat ako uuwi, inabot lang ako lockdown, ngayon eh may biyahe na, eh pwede na. Wala akong nadalang pasalubong, eh hindi naman ako nakalabas,” ani Francisco.

Ito rin ang ginawa ng construction worker na si Benjie Tulipas na nagtatrabaho sa isang construction site sa Nueva Ecija.

Hindi na siya nakauwi ng Taguig mula Marso at nakituloy muna siya sa kakilala sa Bulacan, kung saan siya ume-extra bilang pahinante.

Aabot sa 90 augmentation bus ang inilagay ng Department of Transportation (DoTr) para umalalay sa mga pasahero ng MRT lalo’t limitado lang ang puwedeng isakay sa tren.

Bukod pa ito sa 136 bus na ipinakalat sa 15 ruta sa Metro Manila. May air conditioning, at CCTV sa loob at sinisiguro ang physical distancing.

Mula alas-5:30 hanggang alas-8 ng gabi ang biyahe ng augmentation bus.

— Ulat nina Doris Bigornia at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.