Lalaki aksidenteng nabaril ng katrabaho sa Aklan

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 01:10 PM

Sa video grab mula sa kuha ng CCTV makikitang hawak ni Julius Maliswa ang baril nang bigla itong pumutok. Archie Hilario, Energy FM Kalibo

KALIBO, Aklan – Sugatan ang isang mekaniko matapos na aksidenteng mabaril ng kaniyang katrabaho sa talyer sa Barangay Andagao dito sa bayan, Miyerkoles ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakaupo ang may-ari ng armas na si Julius Maliswa, 51. Hawak niya ang 9mm caliber pistol at saka inabot sa kasamahan na si Jonathan Dioso, 38.

Nang ibalik naman ni Dioso ang baril, pinunasan pa ito ni Maliswa. Makaraan ang ilang segundo ay pumutok na ang baril at tinamaan ang kasamahan sa tagiliran ng tiyan.

Agad namang sumaklolo ang may-ari ng talyer at kinarga si Dioso sa likod ng sasakyan para itakbo sa ospital.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa telepono kay Police Lt. Col. Richard Mepania, Chief of Police ng Kalibo, nag-iinuman umano ang dalawa nang mangyari ang insidente. Inaalok umano ni Maliswa kay Dioso ang baril dahil gusto niya itong isangla sa biktima.

"Gusto niyang isangla ang baril dun sa kumpare niya, sa kaniyang kasamahan sa trabaho. Tiningnan naman ng kaniyang kasamahan sa trabaho at binalik sa kaniya. During sa time na nakita nating parang pinupunasan niya 'yung baril, dun po pumutok ang baril na nakaharap 'yung muzzle sa biktima,” kuwento ni Mepania.

Dagdag pa ng pulisya, itinanggi pa noong una ni Maliswa na siya ang nakabaril sa kasamahan pero dahil nakunan ng CCTV camera ang insidente, inaresto din ito.

Nasampahan na siya ng reckless imprudence resulting in serious physical injury dahil sa tingin ng pulis ay accidental firing ang nangyari. Nakapagpiyansa din si Maliswa para sa pansamantala nitong kalayaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.