Dayuhan timbog sa pagsasama ng menor de edad sa motel sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 04:26 AM

CEBU CITY—Inaresto ang isang Amerikano matapos mahuling may kasamang menor de edad sa loob ng isang motel sa Ramos St. sa lungsod na ito.

Nakompiska rin sa condo unit ng 63 anyos na suspek ang ilang gamit tulad ng lubricant, posas, at swimsuit.

Nakuha rin ang isang notebook kung saan nakasulat ang mga pangalan ng mga babae at halaga ng binayad ng suspek.

Hinalughog ang condo ng dayuhan Biyernes ng hapon sa bisa ng search warrant.

Ayon sa Women and Children Protection Center (WCPC) Visayas field unit, karamihan umano sa mga biktima ng suspek ay menor de edad.

Isasailalim din sa pagsusuri ang ilang gadgets ng suspek, tulad ng cellphone at laptop, kung mayroon itong mga pornographic material.

Napag-alaman na pabalik-balik sa Cebu ang suspek simula pa noong 1980.

Dagdag ng WCPC, ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ang nagsumbong sa kanila ukol sa gawain ng suspek.

Pinabulaanan naman ng dayuhan ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Sasampahan siya ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. — Ulat ni Christopher Mahidlawon Mahilum, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.