Umabot na umano sa mahigit 600 tonelada ng tilapia ang apektado ng fish kill sa lawa ng Taal sa Batangas. Screengrab
Umabot na sa mahigit 600 tonelada ng tilapia ang apektado ng fish kill sa lawa ng Taal sa Batangas, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Katumbas umano ito ng 100 fish cage o paglalagyan ng isda hangga't sa maaari na silang ma-harvest at maibenta sa merkado.
Ayon kay DENR Calabarzon Executive Director Maria Paz Luna, bumaba ang dissolved oxygen sa lawa, isa umanong natural phenomenon.
Pero ayon pa kay Luna, maaaring nag-ugat ito sa dami ng mga namamahala ng mga fish cage.
"Even 'yung fish cages sa ibang barangay ng Laurel, ay hinila nila papuntang [Barangay] Boso-Boso, dahil traditionally ay hindi nagkakaroon ng fish kill, pero 'yun nga, nung sila ang tinamaan, nagkaganito nga," ani Luna.
Sa halip umano na ibalik sa orihinal na lugar na dapat paglagyan ng cage ay nagsisiksikan umano ang mga ito sa iisang barangay.
Aabot sa 200 lamang dapat ang mga fish cage sa Barangay Boso-Boso na sakop ng Taal Lake, pero lagpas 700 umano ang naroon.
Umaaray si Romel Pesigan sa posibleng epekto nito sa kaniyang hanapbuhay. Tagapangalaga si Pesigan ng mga tilapia sa fish cage sa Taal Lake.
"Ay, malaking epekto ito dahil 'yung hanapbuhay namin ay siyempre, 'pag namatay na 'yung [isda] ay wala na," ani Pesigan.
Tiniyak naman ng DENR na hindi lahat ng isda sa lawa ay apektado ng fish kill.
Paiigtingin umano nila ang monitoring sa lawa hanggang sa mahakot ang lahat ng namatay na isda.
-- Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Fay Virrey, fish kill, DENR, isda, Department of Environment and Natural Resources, Taal, Batangas, Boso-Boso