SAPUL SA CCTV: Pagnanakaw ng pitaka sa ukay-ukay

ABS-CBN NewsClaire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 01:47 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

TAGUM CITY, Davao del Norte - Nahuli sa CCTV ang pagtangay ng kawatan sa pitaka ng isang mamimili sa ukay-ukay sa Trade Center noong Mayo 23 sa Tagum City, Davao del Norte.

Base sa CCTV, habang namimili si Jocelyn Cauba, nilapitan siya ng isang babaeng nakasuot ng shoulder bag na stripes at kunwaring namimili rin ng bed sheet. Iyon pala ay ginamit ito ng kawatan para takpan ang kaniyang kamay para madukot ang pitaka sa loob ng bag. 

Matapos makuha ang pitaka, lumapit ito sa kaniyang isa pang kasama, at sabay silang lumabas sa tindahan.

Ayon kay Cauba, bukod sa card, P8,700 na cash ang nakuha na sweldo ng kaniyang anak na gagamitin sana na pambayad at gastusin sa bahay.

"Di ko napansin na na nasagi ako o dahil para wala talaga sa akin, 'di ko talaga alam na may dumukot sa aking bag, open kasi ito pero magnet ito," ani Cauba.

Patuloy na inaalam ng Tagum City police ang pagkakakilanlan ng mga suspek na posibleng dayo lamang sa lugar.

"Posibleng grupo rin sila kasi may insidente rin na nangyari sa ibang lugar na ganito ang modus style ng pagnakaw," ani Senior Insp. Anjanette Tirador.

Nanawagan ang pulisya sa nakakakilala sa mga responsable na magbigay impormasyon sa kanila.

Paalala naman ng mga awtoridad, siguraduhin na maging alerto lalo na sa mga lugar na maraming tao. Tiyaking nakasara ang bag at ilagay sa harapan upang mabantayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.