MMDA, nag-clearing ops sa QC bilang paghahanda sa pasukan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 11:02 AM

Kinumpiska ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga ibinebentang hollow blocks at semento ng isang hardware store na nakatengga sa kalsada sa IBP Road, Quezon City.

MAYNILA – Binalikan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ang mga lansangang patungo sa mga eskuwelahan para sa pagbubukas ng klase sa Lunes.

Sa IBP Road sa Batasan, Quezon City, nakitang hindi pa rin sumunod ang isang carwash shop na ilang beses na rin hinuli sa mga nakaraang clearing operations ng MMDA.

Inabutan ng clearing team ang mga kotse habang nililinisan sa isang lane ng kalsada.

Katuwiran ng isang may-ari ng carwash shop may permit to operate sila mula sa barangay.

Pero giit ni Bong Nebrija, MMDA Traffic Supervising Officer for Operations, ang city hall lamang ang dapat nagbibigay ng business permit.

Dahil dito, kinumpiska ng MMDA ang mga gamit sa carwash.

Napaalis na lamang ang mga suking sasakyan kahit hindi pa tapos linisin.

Tinibag din ang ilang tindahan na sumakop na sa kahabaan ng IBP Road.

May mga sasakyan din na nag-counterflow ang hinuli.
 
Hindi rin nakalampas sa clearing team ang isang hardware store kung saan nakitang nakatambak ang mga ibinibenta nilang hollow blocks, semento at kahoy sa kalsada kaya kumpiskado ang mga ito.

Sunod ding tinarget ng MMDA ang Commonwealth Avenue.

Ayon kay MMDA spokesperson Celiene Pialago, maraming eskwelahan ang nakatayo sa IBP Road at Commonwealth Avenue kaya kailangang malinis ang mga kalyeng ito para walang sagabal sa pagpasok ng mga estudyante at para hindi rin magdulot ng traffic.

Dagdag pa niya na paghahanda na rin ito umano para sa nalalapit na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.