Magkaibigan patay sa pamamaril sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 05:37 AM

Lady Vicencio, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay ang 2 magkaibigan matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Taguig City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Rodel Dizon at Arkam Ramos Seguna.

Natagpuan ang 2 na nakahandusay sa gilid ng kalsada sa Snake Road, Barangay Sta. Ana. Nagtamo sila ng tama ng bala sa ulo.

Ayon sa isang residente, narinig niya na may mga tao sa labas ng kaniyang barong-barong.

"Nagtatawanan pa sila. Akala ko babae at lalaki. Tapos pinatay 'yung motorsiklo. Sumunod na 'yung mga putok ng baril," aniya.

Away sa sabong ang posible umanong motibo sa pamamaslang, ayon sa biyenan ni Dizon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.