ALAMIN: Tuwing kailan nagiging krimen ang paninigarilyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 05:23 PM | Updated as of Jun 01 2018 06:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng mga paalala sa masamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo ay milyon-milyong Pilipino pa rin ang patuloy na nalululong sa naturang bisyo.

May kaugnayan sa usaping ito ang tinalakay nitong Huwebes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Noong nakaraang taon ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampubliko at saradong lugar sa buong bansa.

Ayon kay Atty. Noel del Prado, kabilang sa napapaloob sa nasabing utos ang paglalagay ng mga designated smoking area (DSA) sa mga pribadong gusali.

Bukod sa karatula na nagsasabing DSA ang isang lugar, dapat din malinaw na nakapaskil dito ang mga masamang epekto ng paninigarilyo. 

Bawal naman ang paglalagay ng DSA sa mga lugar kung saan maraming kabataan tulad ng mga eskuwelahan.

Dagdag ni del Prado, ang mga mahuhuling naninigarilyo sa hindi itinakdang lugar ay maaaring ipahuli sa pulis dahil ito ay maikokonsidera na isang uri ng krimen.

Posibleng magmulta ang mga mahuhuli ng P10,000 hanggang P100,000 at makulong ng 6 na buwan hanggang 6 na taon.

Paglilinaw ni Del Prado, hindi saklaw ng batas ang vape o e-cigarette. 

Kamakailan ay inilabas ng World Health Organization (WHO) ang kanilang pagsusuri sa koneksiyon ng paninigarilyo at sakit sa puso.

Anila, kada taon ay nasa 4 milyon ang namamatay sa mga cardiovascular disease, kabilang ang atake sa puso at stroke, dulot ng pagyoyosi.

Editor's note:

Mayroong inilunsad na 'quit line' ang Department of Health (DOH) para sa mga nais huminto sa paninigarilyo.

Maaaring tumawag sa 165364 o mag-text ng 'STOPSMOKE' sa numerong (29290) 165-364. 

Ang mga tatawag o magte-text ay makatatanggap ng mga payo at gabay mula sa isang counselor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.