Mga ina, dumadaing na sa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 09:02 PM | Updated as of Jun 02 2017 12:59 AM

Umaapela para sa donasyong tubig at pagkain, bitamina at gatas para sa mga bata ang mga evacuee mula sa Marawi City. 

Pinakaapektado ang mga maliliit na bata lalo na ang mga sanggol na kailangan pang dumede mula sa kanilang mga ina. Walang mga pasilidad ang evacuation center para sa pagpapadede. Pero halos wala ring makain ang mga ina. 

Nakaligtas nga sa palitan ng putok sa Marawi City, pero para namang lumipat ang hirap nila mula sa siyudad na pinaluhod ng pagkubkob ng Maute group, papunta sa mga evacuation center. Kung hindi ginagawang panangga ng mga terorista sa kanilang pagtakas, problema ng mga nanay ang pagtatawid sa gutom ng mga anak araw-araw. 

Nananawagan ang National Nutrition Council na maglaan ng lugar para makapag-breastfeed ang mga ina habang nasa mga evacuation center matapos nilang lumikas mula sa bakbakan.

Labis, halimbawa, ang pag-aalala ng buntis na si Cecil Nuraydo dahil kung tatagal pa ang gulo sa Marawi, maaaring abutan na siya ng panganganak sa evacuation center.

"Ayoko ditong manganak kasi maraming tao. Mahirap, mahirap talaga pag ganito," aniya.

Kuwento ng isa sa mga evacuee na si Minda Akok, tila isang bangungot para sa kanya na single parent ang delubyong dinanas ng kanyang pamilya kasunod ng bakbakan ng militar at Maute group.

"Hindi ko maano iyong nararamdaman ko. Di ko ma-explain... Siyempre wala na kaming bahay. Wala na rin kaming ipapatayo ng bahay eh solo parent ako," aniya.

Kasama ang mga anak, apo, at kaibigan, nagtungo si Nanay Minda sa evacuation center sa Barangay Maria Christina, sa Iligan City.

Kabilang ang pamilya nina Nanay Minda at Cecil sa higit 20,000 pamilyang lumikas mula sa Marawi City patungo sa ibang lugar.

Nasa evacuation center sa Brgy. Maria Christina ang halos 300 pamilya.

Donation drive ng Modern Nanays of Mindanao

Pinangunahan naman ng grupo ng mga nanay ang isang donation drive para matulungan ang mga ina na may maliliit na mga supling na apektado ng giyera.

Layunin nito na matulungan ang mga inang nagpapasuso ng kanilang supling. 

Sa tulong ng donation drive na binuo ng mga volunteer na nanay na tinatawag na Modern Nanays of Mindanao, matutugunan ang mga pangangailangan. Layon ng grupo na makalikum ng mga donasyon na isisilid sa malong na tinatawag nilang Malong Care Package.

Ayon sa volunteer na si Jasmine Castro, karamihan sa mga hindi gaanon nabibigyan ng halaga ang mga nanay na may maliliit na anak sa mga evacuation centers. Bottled water, toiletries, face towel, diapers at damit pambata ang laman ng Malong Care Package.

Layon din ng grupo na makabuo ng mother-child friendly space sa bawat evacuation center kung saan pribadong makakapagpa-breastfeed at makakapagpakain ang mga nanay sa kanilang mga anak.

Stress debriefing para sa mga bata

Isasailalim naman sa psychosocial intervention o stress debriefing ang mga batang nakaranas ng matinding trauma dahil sa giyera sa Marawi City.

Ayon kay clinical psychiatrist doctor Ray Sagge, mas madaling maka-recover sa trauma ang mga bata sa pamamagitan ng paglalaro o paglabas ng kaniyang saloobin sa pamamagitan ng pagguhit. 

''Maaaring magdulot ito ng nerbiyos kapag nakakakita ng mga unipormadong sundalo. Maaaring maging permanenteng insane ang bata kapag 'di ma-treat,’’ paliwanag ni Sagge.

Sa ulat ng DepEd, higit 1,000 bata ang apektado ng bakbakan. Hindi naman makumpirma ng lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur ang ulat ng United Nations Children's Fund (UNICEF) na umabot ng higit 50,000 bata ang apektado sa kaguluhan.

Mga hindi naabutan ng tulong

Samantala, ilang evacuees naman ang nagrereklamo dahil hindi naabutan ng tulong.

Paliwanag ng Red Cross, tumatagal ng halos 15 araw ang kanilang relief supplies kaya local government unit ang nag-aayos ng schedule ng pamamahagi sa mga pamilya. 

Sa ginta ng paghihintay sa pamamahgi ng relief goods, ilang pamilya naman ang nagkairingan. 

Apela ng alkalde ng Saguiaran sa mga evacuee, maging mahinahon at panatilihing payapa ang sitwasyon sa mga evacuation center lalo na ngayong panahon ng Ramadan, ang pinakasagradong panahon sa Islam.

Para sa mga lumikas, mas mahirap maging 'bakwit' ngayon lalo na't buwan ng Ramadan. 

Panawagan para sa tulong 

Kung nais magpaabot ng tulong sa mga mamamayan ng Marawi, maaaring mag-donate. 

Account name: ABS-CBN LINGKOD KAPAMILYA FOUNDATION INC. - SAGIP KAPAMILYA
BDO Account number: ‎393-011-4199
BPI Account number: ‎305-111-2775
Metrobank Account number: ‎636-3-636-08808-1

Basahin ang mga naging proyekto ng Lingkod Kapamilya dito: 
bit.ly/lingkodkapamilya

 

--May mga ulat nina Joey Taguba, Ron Gagalac, Roxanne Arevalo, Raphael Bosano, at Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.