33 paaralan sa Maguindanao, lubog sa baha

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 08:07 PM

Isang linggo nang lubog sa baha ang hindi bababa sa 33 na paaralan sa Maguindanao ilang araw bago magsimula ang pasukan sa Lunes.

Sa Taviran at Kabuntalan Elementary School sa bayan ng Mother Kabuntalan, abot hanggang dalawang talampakan ang taas ng tubig.

Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), naghahanap na sila ng mas mataas na lugar kung saan maaaring pansamantalang magklase ang mga mag-aaral na apektado ng patuloy na pagbaha sa probinsya.

Sabi ni Alibai Benito-Aliuden ng DepEd Maguindanao, maaaring magpatupad ang mga paaralan ng make-up classes kung sakaling hindi makahanap ng pansamantalang paglilipatan para hindi mapag-iwanan ang mga estudyanteng apektado ng baha.

Lubog din sa baha ang mga bahay, municipal hall, sangguniang barangay, at ilang mga istasyon ng pulis sa Maguindanao.

Noong ika-31 ng Mayo, isinailalim na sa state of calamity ang 17 barangay kung saan hindi bababa sa 4,000 pamilya ang apektado ng pagbaha.

Inaasahan ng lokal na pamahalaan na aabutin pa ng tatlo hanggang apat na buwan bago tuluyang humupa ang baha sa bayan ng Mother Kabuntalan. Ang lugar ay tinaguriang catch basin ng ulan mula sa kabundukan at mga kalapit lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.