TFC News

Pinay worker sa Paris, nakatakas sa 12-taong modern-day slavery

TFC News

Posted at May 31 2023 10:43 AM | Updated as of May 31 2023 02:00 PM

FRANCE - Laman ng front pages ng ilang dyaryo sa Paris ang kwento ng isang Pinay worker na biktima umano ng modern-day slavery.

Si Lin (hindi niya tunay na pangalan), 45-taong gulang, ay nagtrabaho bilang domestic helper sa mag-asawang Franch-Lebanese sa France.

Ayon kay Lin, alipin ang naging turing sa kanya at naging mistulang bilanggo sa tahanan ng kanyang mga amo sa loob ng labing-dalawang taon.

1
Laman ng front pages ng ilang dyaryo sa Paris ang kwento ng isang Pinay worker na biktima umano ng modern-day slavery.

"Twelve years po akong walang day-off, walang pahinga. Yung bang kahit makapahinga ka once a month, wala po," kwento ni 'Lin' sa TFC News.

Bukod sa walang pahinga, napakababa rin umano ng pasahod sa kanya ng mga dating amo. Halos katumbas lang umano ng P15,000 kada buwan.

"Sino ho ang makabubuhay ng pamilya nang ganun? Sino ang makapagpapa-aral ng mga anak?" tanong ni alyas Lin.

Pero noong July 2022, nagawa ni 'Lin' na makatakas sa kanyang employer. Sa kwento ni 'Lin' sa TFC News, tiniyempuhan niyang nakabakasyon ang kanyang mga amo sa ibang bansa.

2
Si alyas Lin habang kinakapanayam ng TFC News sa Paris

Nag-post din siya ng saklolo sa social media at marami ang tumugon hanggang sa sinundo siya ng mga social worker.

"Kinuha po ako ng mga social worker sa bahay, sakto naman na nasa bakasyon ang mga amo ko kaya sinamantala ko na po. 'Yun na ang pagkakataon," kwento pa ni 'Lin.'

Apat na buwan matapos siyang tumakas, muling nakahanap ng trabaho bilang yaya si 'Lin' ,ayon sa artikulo ng euro.dayfr.com.

Sa ngayon, nanunuluyan sa isang government shelter sa Paris si 'Lin' kung saan ay maayos naman umano ang kanyang kalagayan.

"Sagot nila lahat. Wala kaming binabayarang kuryente o tubig. Depende na lang sa pagkain. Kapag wala kang trabaho, meron silang binibigay na allowance."

Samantala, tinutulungan din siya ng mga social worker sa isinampang reklamo laban sa dating employer. Naghain si 'Lin' ng civil action matapos umanong i-dismiss ang imbestigasyon sa naunang reklamo niyang human trafficking.

Masaya si 'Lin' sa Paris, doon na siya napadpad dahil sa sinapit umano niya sa kanyang mga dating amo.  Tiwala siyang magkakaroon siya ng hustisya dahil sa malakas ang paninindigan ng gobyerno ng France pagdating sa proteksyon sa mga karapatang pantao.

Isa sa grupong tumutulong kay 'Lin' ay ang Comitè Contre l'Esclavage Moderne (CCEM), isang French non-government organisation na nilalabanan ang modern-day slavery at human trafficking.

Malaki rin ang pasasalamat ni 'Lin' sa gobyerno ng France sa pagsalba at pagtulong sa kanya, gayundin sa mga kababayan sa Paris na umasiste sa kanya nang hindi naghihintay ng kapalit.

"Bahala na po ang Diyos na magbalik sa kanila ng magagandang bagay na itinulong nila sa akin, Napakabusilak po ng mga puso nila," sabi ni 'Lin'.

(Mula sa ulat ni Bong Agustinez, Paris, France)

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa France, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.