Inaresto kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 84-anyos na lalaki sa Muntinlupa dahil sa pagbebenta umano ng lupa na hindi sa kaniya.
Hinuli ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division ang suspek na si Pio Escota matapos ireklamo ng biktimang si alyas "Jay."
Ayon kay "Jay," nagpakilala si Escota na may-ari ng isang malaking lote sa Muntinlupa na may tarpaulin ng kompanya nito.
Pumayag umano ang suspek na ibenta ang 500 square meters na bahagi ng lote sa halagang P2 milyon at nagpakita pa umano ng mother title ng lote.
Nagbigay ang biktima ng higit P1.4 milyon bilang down payment.
"Pumunta kami sa property tapos may geodetic engineer na nagsukat. Mayroon pang mga security guard doon at may barracks din sila," ani "Jay."
Pero makalipas ang halos 2 taon ng pagfa-follow-up, hindi nakuha ng biktima ang bagong titulo.
Nagulat na lang umano si "Jay" nang makita ang bagong tarpaulin ng city hall sa lote, na nagsasabing iba ang may-ari ng lupa at nagbababala sa mga pekeng nagmamay-ari.
"Nung chineck namin ang lahat ng dokumento, lumalabas peke pala lahat," ani "Jay."
Sa NBI na lang umano nalaman ng biktima na kabilang si "Jay" sa listahan ng mga sindikato ng National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates. Mayroon din umanong warrant laban sa suspek para sa kasong rape.
Ayon naman kay Escota, hindi niya kilala ang biktima at siya ang caretaker ng lupa.
"Wala akong tinanggap na pera. Hindi ko alam kung bakit niya ako nirereklamo," ani Escota.
Pero ayon sa NBI, kahit ang sinasabing kompanya ng suspek ay walang permit sa local government unit at hindi rin rehistrado.
Naiwasan umano sana ang krimen kung na-verify ang kompanya sa mga ahenisya ng gobyerno, at nagpunta sa LGU at Land Registration Authority para tingnan kung tunay ang titulo.
Kulong ang suspek, na kinasuhan ng estafa kasama ang misis at 4 pang mga kasabwat.
— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.