PatrolPH

Tulong para sa mga Pilipinong naiipit sa Sri Lanka, kasado na

ABS-CBN News

Posted at May 31 2022 06:43 PM

MANILA — Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipinong naiipit ngayon sa nagaganap na economic crisis sa Sri Lanka.

Sabi ni DFA Usec. Sara Lou Arriola, nagiging pahirap sa mga Pilipino ang nasa 45 porsiyento na “food inflation” o iyong mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa naturang bansa.

Nasa higit 400 Pilipino ang nasa Sri Lanka na mahahatiran aniya ng tulong pinansyal mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Dahil walang embahada ang Pilipinas sa Sri Lanka, isang response team mula sa embahada ng Pilipinas sa Bangladesh ang tutulong sa mga Pilipino roon.

“The DFA is going to Sri Lanka to give financial assistance po sa ating mga kababayan na nangangailangan. Ang napag-usapan po namin sa embahada ng Bangladesh ay magbibigay ng financial aid... na $300 per Filipino para maipangtawid po nila,” ani Arriola.

May ikinakasa ding repatriation program ang pamahalaan para sa mga Pilipinong gustong umuwi sa bansa.

Tutulong din aniya ang DFA sa mga anak ng mga Pilipino na wala pang Philippine passport para makauwi sila.

“We are hoping this coming weekend or early next week iyong first batch. Basta desidido na sila, importante lang na decided sila, we will get the first available commercial flight to bring them home, considering iyong sitwasyon nila doon,” sabi ni Arriola.

Sa China naman, patuloy din ang pagbibigay aniya ng tulong ng DFA sa mga Pilipinong apektado rin ng lockdown sa Shanghai.

Matatandaang ilang buwan nang naka-lockdown ang Shanghai dahil sa mga kaso ng COVID-19.

“They are on their 64th day of the lockdown. 4,000 ang mga Pilipino natin sa Shanghai. Masunurin naman po sila. Unfortunately, 42 po sa kanila ay naging positive. Pero as of now, wala naman po ang active case na mga Pilipino,” paliwanag ni Arriola.

“Patuloy po ang pagbibigay ng tulong ng DFA, na nagbibigay ng food packs. Iyong OWWA po, nagbibigay pa rin ng food vouchers. At we stand ready to help,” dagdag pa niya.

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

 KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.