MAYNILA - Natupok ang isang bahay at tambakan ng mga nakolektang kalakal mula sa mga junk shop sa Barangay Ibayo Tipas sa Taguig City, Martes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog ala-1:35 ng hapon. Umabot ito sa unang alarma bago idineklarang kontrolado makalipas ang halos isang oras.
Kuwento ng may-ari ng nasunog na lugar na si Melinda Iya, unang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng kanilang bahay matapos mag-short circuit ang linya ng kuryente.
Hindi na napigilan ang paglaki ng apoy at nadamay na ang mga nakatambak na kalakal sa paligid ng bahay, tulad ng mga paleta at styrofoam.
Matapos ideklarang kontrolado ang sunog, muling sumiklab ang apoy ngunit agad ding naagapan ng mga bumbero.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente habang inaalam pa ang halaga ng mga natupok na ari-arian.