PatrolPH

Brgy sa Muntinlupa, may pa-raffle na bigas sa mga magpapabakuna

ABS-CBN News

Posted at May 31 2021 01:47 PM | Updated as of May 31 2021 02:01 PM

Brgy sa Muntinlupa, may pa-raffle na bigas sa mga magpapabakuna 1
May tsansang manalo ng bigas ang mga magpapabakuna kontra COVID-19 sa Muntinlupa City. Jekki Pascual, ABS-CBN News

Maagang pumunta sa vaccination site ang ilang residente ng Barangay Sucat sa Muntinlupa.

Maayos naman ang naging pila. Ang mas exciting para sa ilan ay ang pa-raffle pagkatapos ng bakuna.

Inilunsad ng barangay ang "Bigas sa Bakuna" raffle para makahatak ng mas maraming taong magpaturok kontra COVID-19.

Marami sa mahihirap na sektor umano ang hindi pa gustong magpabakuna, kaya 25 kilo ng bigas ang ipamimigay sa 20 na magpapaturok kada linggo.

"Mayroon kami napapansin na nagiging trend na 'yong mga nasa indigent namin, medyo nangangamote kami. So umisip kami ng paraan para immediately makiliti namin sila," sabi ni Barangay Sucat Chairperson Raffy Sevilla.

Watch more on iWantTFC

Kabi-kabilang gimik ang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan para mahikayat ang kanilang mga residenteng tumanggap ng COVID-19 vaccine.

Sa Las Piñas, magpapa-raffle ng bahay at lupa, kabuhayan showcase at iba pa ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng magpapabakuna.

Baka naman ang ipapa-raffle buwan-buwan sa San Luis, Pampanga.

Target ng gobyernong mabakunahan ang hanggang 70 milyon ng populasyon bago matapos ang taon para makamit ang herd immunity. 

Umabot na sa higit 5 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang naituturok sa bansa.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.