PatrolPH

Bata patay sa landslide sa Davao de Oro

ABS-CBN News

Posted at May 31 2021 10:38 PM

Patay ang isang taong gulang na batang babae matapos matabunan ng gumuhong lupa ang bahay nito sa Barangay Panoraon sa bayan ng Maco, Davao de Oro Linggo ng gabi.

Kinumpirma ni Joseph Randy Loy, ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer sa Davao de Oro, na nasawi sa landslide ang isang taong gulang na si Alhanzer Arnado Pay-ao.

Hindi na nasagip ang bata ng kanyang magulang at kasama sa bahay dahil sa bilis ng pagguho ng lupa.

Ilang bahay din ang apektado ng landslide sa nasabing lugar.

Iniulat din ng PDRRMC na mayroong minor landslide sa Barangay Tagugpo sa bayan ng Pantukan.

Patuloy naman ang clearing operations sa landslide sa national highway ng Kilometer 69, Barangay Tuboran, sa bayan ng Mawab.

Ilang residente rin sa lalawigan ang inilikas dahil sa pagbaha, at patuloy na nagmo-monitor ang mga awtoridad dahil sa tumataas na lebel ng tubig sa mga ilog.

Simula Linggo ng hapon hanggang ngayong Lunes, nakaranas na ng mga pag-ulan ang Davao de Oro dahil sa bagyong Dante.

-ulat ni Hernel Tocmo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.