Tradisyonal na jeep, papayagan sa mga lugar na limitado ang bilang ng modern PUV

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 09:02 PM

Sinusunod ng mga pasahero ang “physical distancing” habang lulan ng isang pampasaherong jeepney sa Barangay Mayamot, Antipolo City noong May 31, 2020.

MAYNILA - Ayon sa Department of Transportation, papayagang bumiyahe ang mga traditional jeep sa mga lugar na limitado ang bumabiyaheng modern PUVs.

Paliwanag ng DOTr, inunang payagan ang mga sasakyang may mas mataas na capacity para sa physical distancing, cashless payment at contact tracing. 

Dagdag pa ng ahensiya, isang public health issue ang paglipat mula modified enhanced community quarantine patungong general community quarantine kaya't mas prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero.

Batay sa inaprubahan ng Inter-Agency Task Force, mula Hunyo 1 hanggang 21 ay papayagan bumiyahe ang mga tren, bus augmentation, taxi at TNVS, shuttle services, bike at tricycle.

Sa Hunyo 22, papayagan na rin ang public utility buses, modern PUVs at UV Express. 

Nauna nang hiniling ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na payagan ang kahit 50 percent operation ng jeep at bus nang may pagtalima sa quarantine protocols dahil wala nang mapagkunan ng pangkabuhayan ang drivers at operators.

Ayon naman sa DOTr, patuloy ang pagbibigay nito ng ayuda sa PUV drivers, tulad ng social amelioration program, pagpapalawig sa renewal ng mga prangkisa ng PUV at panukalang fuel subsidy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.