Mga LGU sa Metro Manila, naglatag na ng mga patakaran sa general community quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-empake na ng ilang damit sa Catherine Evangelista dahil balik-trabaho na siya sa Lunes sa pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) ng buong Metro Manila.

Dagdag ni Evangelista sa kaniyang mga baon ang face masks at alcohol.

"Mas nakakatakot po kasi ngayon kasi may pandemic, di sigurado 'yong kalusugan mo, mas mahirap mag-biyahe," ani Evangelista, na nagtatrabaho sa Makati.

Sa ilalim ng GCQ, pinayagan nang magbukas ang ilang mga establisimyento. May ilang pambublikong sasakyan na rin ang pinayagang makabiyahe.

Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council, handa na ang mga local government unit (LGU) ng capital region para sa mas maluwag na GCQ.

Nagpaalala rin si Olivarez na huwag sana kalimutan ng publiko na may umiiral pa ring quarantine.

"Ang atin pong 17 LGUs sa Metro Manila, ready na po siya, ang kailangan lang 'yong close monitoring doon sa proper implementation ng ating mga binigay na guidelines," ani Olivarez.

Simula Lunes, Hunyo 1, papayagan sa Parañaque ang biyahe ng mga traysikel pero sa kondisyong may acrylic plastic bilang dibisyon sa puwesto ng rider at pasahero.

May guidelines sa lahat ng mga opisina sa lungsod na bawal kumain o mag-dine in sa labas. Kung kakain naman sa cafeteria, bawal magsabay-sabay ang mga empleyado.

LIBRENG SAKAY SA VALENZUELA

Sa Valenzuela City, sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na may libreng sakay sa Lunes para sa mga taga-Valenzuela na papasok sa kanilang mga trabaho, mula sa lungsod hanggang sa LRT at MRT stations.

May direktiba rin sa mga opisina at city hall pagdating ng lunch break.

"We issued our public servants lunch boxes... eat by yourself, eat on your desk," ani Gatchalian.

Sa Navotas naman, kahit GCQ na, mangangailangan pa rin ng home quarantine pass kung pupunta sa palengke.

"Home quarantine pass din ang gagamitin as basis kung anong araw kayo mamamalengke," ani Navotas Mayor Toby Tiangco.

Sa Maynila, sinabi ni Mayor Isko Moreno na isasailalim sa hard lockdown ang Barangay 847 sa Pandacan hanggang June 2 matapos maitala ang 4 na COVID-19 cases at 6 na suspected cases.

Sa Pasig naman, balik-biyahe na ang ilang mga traysikel sa Lunes.

Mahigpit din ang gagawing monitoring sa malls at business centers sa lungsod.

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government na magpapatuloy ang random checkpoints at mananatili ang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.