Mga ipo-ipo namuo sa Laguna de Bay

ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namataan noong Sabado ang 3 hanggang 4 na malalaking ipo-ipo sa Laguna de Bay.

Sa video na ipinadala ng netizen na si Leody Lucena, kita ang sunod-sunod na pagsulpot ng malalaking ipo-ipo sa Laguna de Bay.

Napasigaw pa ang mga residenteng nanonood ng ipo-ipo nang biglang kumulog, base sa kuha ng video.

Nakuhanan din ng netizen na si Erwin Sison ang ipo-ipo mula sa kaniyang bahay sa Binangonan, Rizal.

Ayon kay Sison, nagsimula ang ipo-ipo bandang alas-6 ng gabi at nawala rin matapos ang 20 minuto.

Ayon sa state weather bureau na PAGASA, posibleng mabuo ang water spout o ipo-ipo sa tamang kondisyon kung may ulan o paparating na ulan sa mga anyong tubig gaya ng lawa.

"'Yong water spout nabubuo siya kapag may intense or severe na thunderstorm," ani PAGASA weather forecaster Ariel Rojas.

Tumatagal ng 10 hanggang 30 minuto ang ipo-ipo bago ito malusaw. Mas mahaba umano ang buhay nito kung matatag o stable ang vortex.

Pero hindi lang daw dapat pagmasdan ang ipo-ipo dahil maaari itong makapinsala sa mga mangingisda o naglalayag kung mapalapit masyado sa ipo-ipo.

Kailangan din umanong bantayan kung lumaki pa ito at tumawid sa lupa.

"'Pag tumawid 'yan sa lupa galing sa anyong tubig, puwede siyang makasira ng mga bahay, makabuwal ng mga puno pero wala namang report na tumawid sa lupa 'yong ipo-ipo," ani Rojas.

Wala mang bagyo, maaaring mangyari ang ipo-ipo kahit saan sa bansa basta't malapit sa anyong tubig.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.