PatrolPH

Mga empleyado ng gobyerno, di dapat tumanggap ng ayuda

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 01:44 PM

MAYNILA – Pinaalalahanan ngayong Linggo ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada ang mga empleyado ng gobyerno na hindi dapat tumanggap ang mga ito ng ayuda, mapa-pera man o relief goods.

Sa isang online forum, sinabi ni Lizada na tuloy-tuloy namang sumasahod ang mga government employee kaya walang dapat tumanggap sa kanila ng ano mang assistance na ibinibigay ng gobyerno.

“We are not entitled to any assistance. ‘Yong binibigay ng ibang government agencies, ‘yon ho sa mga talagang nahihirapan ngayon, ‘yong mga no work, no pay,” ani Lizada.

“Kung mayroon dumaan sa bahay niyo, ibigay niyo na because we are not supposed to receive,” sabi ni Lizada sa government employees.

Samantala, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing na walang direktiba ang ahenisya sa mga local government unit na magbigay ng ayuda sa ilalim ng general community quarantine.

Ganoon pa man, hindi raw pinipigilan ng DILG ang mga lokal na opisyal na magpapaabot ng tulong depende sa nakikita nilang situwasyon sa kanilang mga nasasakupan.

“Hindi na ho natin ine-expect ang mga local government unit na magbigay ng ayuda, ano? However, at their own discretion, they can still continue to do so,” ani Densing.

Simula Lunes, isasailalim na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at iba pang high-risk area habang ang iba pang lugar ay ilalagay sa modified GCQ.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.