Sa Agosto inaasahan ni Mary Anne David iluwal ang ikaapat niyang anak, kaya todo-tipid siya dahil tanging ang asawa niyang construction worker lang ang naghahanapbuhay.
Sa P6,000 budget para sa komadrona, pipilitin daw ni David na sa bahay na lang manganak.
“Kung sa ospital po kasi, mas magastos,” ani David sa panayam ng ABS-CBN News.
“Sa tingin ko, safe naman po kami sa COVID kasi ‘yong midwife ko po, naka-quarantine din siya sa bahay nila, di siya lumalabas,” dagdag niya.
Samantala, sa ospital naman nakatakdang manganak si Abby Gonzales sa Agosto.
Mula sa dating P150,000, inaasahan ni Gonzales na magiging P200,000 ang gastos sa panganganak.
“’Yong additional na COVID-19 testing, my husband and I, we were told that we will be undergoing the test a few weeks prior to the scheduled CS (cesarean section),” ani Gonzales.
“Mag-incur pa rin ng fees ‘yong mga additional na PPE (personal protective equipment),” aniya.
Ayon sa Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS), asahan na ang mga dagdag-gastos sa panganganak bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.
“The physician staff and the physician himself should be adequately protected,” ani POGS President Christia Padolina.
Umaasa ang organisasyon na papaboran na ng Department of Health (DOH) ang panawagan nilang i-test nang libre sa pamamagitan ng PhilHealth ang lahat ng buntis na 37 weeks pataas, imbes na ang mismong buntis ang magbayad nito.
Bawas din umano sa gastusin sa PPE ang pasyenteng negatibo naman sa COVID-19.
May mga doktor at ospital naman na hindi pinababayaran ang mga PPE at face mask dahil may supply galing sa donasyon.
Ayon sa DOH, maaari namang i-test nang libre ang mga buntis na bahagi ng vulnerable population kapag may exposure sa isang probable o confirmed case.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang PhilHealth hangga’t hindi pa nila natatanggap ang revised guidelines on expanded testing.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, kalusugan, pregnancy, panganganak, buntis, Philippine Obstetrical and Gynecological Society, coronavirus disease, COVID-19, Department of Health, Philhealth, TV Patrol, April Rafales