Bus augmentation sa EDSA, Metro trains aarangkada sa Lunes sa GCQ

ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 06:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aarangkada na sa Lunes ang mga bus sa EDSA, at MRT at LRT kasabay ng pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) ng buong Metro Manila.

Labingsiyam na tren ang bibiyahe sa MRT habang 28 sa LRT-2 at 5 naman sa LRT-2.

Mahigpit na magpapatupad ng social distancing sa mga tren kaya nag-abiso ang mga awtoridad na magiging limitado ang maisasakay na pasahero.

Naglagay ng yellow markers sa mga istasyon ng tren para masunod ang isang metrong distansiya sa pila. May mga paalala rin sa mga istasyon ukol sa pagsusuot ng face mask.

Papasada rin simula Lunes ang mga augmentation bus ng Department of Transportation.

Dahil hindi pa tapos ang mga planong bus stop sa ilalim ng riles ng MRT, sa mga orihinal na bus stop muna sa North Avenue, Quezon Avenue, Ayala Avenue at Taft Avenue stations magsasakay at magbaba ng mga pasahero ang mga bus.

Gagamitin pa rin ang 2 inner lanes ng EDSA para sa mga point-to-point bus.

Naglagay na ng mga concrete barrier para sa bus lanes.

Handa na rin umano ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa inaasahang dagsa ng mga motorista sa Lunes.

Kasama sa mga ginawa ng NLEX ang repair sa mga toll plaza, at pag-disinfect sa mga toll booth, company vehicle at project site para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Inaasahang nasa 300,000 motorista ang bibiyahe sa NLEX sa Lunes pabalik ng Metro Manila.

Mananatili namang libre ang toll fee para sa mga medical frontliner.

Sa kanilang social media accounts, nag-abiso ang South Luzon Expressway (SLEX) sa mga motorista na habaan ang pasensiya dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ngayong GCQ.

Nagpaalala rin ang pamunuan ng SLEX na hanggang 4 na tao lamang kada kotse ang papayagan para masunod ang social distancing.

Hinkayat din ng NLEX at SLEX ang mga motorista na mag-switch sa RFID sa pagbabayad ng toll fees para makaiwas sa personal contact.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.