Barangay 847 sa Maynila, isasailalim ni Mayor Isko sa ECQ

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 12:47 AM

Simula man na ng general community quarantine sa Metro Manila sa Lunes, hindi kabilang dito ang Barangay 847 sa Lungsod ng Maynila. 

Isasailalim kasi ni Manila Mayor Isko Moreno ang buong barangay sa lockdown, o balik enhanced community quarantine, simula alas-12 ng madaling araw sa Lunes, June 1, hanggang 11:59 p.m. sa Martes, June 2, o kabuuang 48 oras.

Ayon kay Moreno, kailangang ipatupad ang lockdown sa Barangay 847 dahil sa apat na confirmed cases at 6 na suspected cases. 

Habang ipinapatupad ang lockdown, hindi papayagan ang mga residenteng lumabas ng mga bahay. Magsasagawa rin ng COVID-19 surveillance, rapid-risk assessment, at testing operations. 

Exempted naman sa lockdown ang mga frontliner tulad ng mga health worker, military personnel, utility worker at iba pa. 

Inatasan na rin ni Moreno ang station commander ng police station na nakasasakop sa barangay na magtalaga ng mga tauhan upang magbantay habang ipinatutupad ang lockdown.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.