Babae sa Caloocan, arestado sa pambubugaw sa tatlong anak sa internet

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 10:20 AM

MAYNILA - Arestado sa entrapment operation nitong Sabado ang 35-anyos na ginang dahil sa pambubugaw sa tatlong anak gamit ang internet sa lungsod ng Caloocan.

Bukod sa tatlong anak na nasa edad walo hanggang 17-anyos, binubugaw din ng suspek ang 4 na taong gulang na pamangkin sa internet.

Pinangunahan ng Women and Children Protection Center - Anti-Trafficking in Persons Division ng Philippine National Police ang operasyon, kasama ang National Bureau of Investigation –Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD), United Kingdom National Crime Agency, at International Justice Mission.

Nag-ugat ang operasyon matapos magbigay ng impormasyon sa PNP ang Australian Federal Police hinggil nga sa iligal na aktibidad sa isang lugar sa Caloocan City.

Patung-patong na kaso ang isasampa laban sa suspek na may kaugnayan sa paglabag sa Anti- Trafficking in Persons Act of 2012, Anti Child Abuse Act, Cybercrime Prevention Act at iba pa.