3 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Caraga

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 31 2020 10:35 PM

BUTUAN CITY - Umabot na sa walo ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Caraga matapos may tatlong nadagdag na kasong naitala ang Department of Health sa rehiyon ngayong Linggo.

Sa inilabas na virtual briefing ng ahensiya, tatlo ang nagpositibo sa RT-PCR test.

Isang 26 anyos na lalaking taga Butuan City at returning overseas Filipino worker ang ikaanim na kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ang ikapitong nagpositibo ay isa namang 41 anyos na lalaki na mula sa Agusan Del Sur na na-stranded sa Cagayan de Oro City.

Ang ikawalong nagpositibo ay isang 37 anyos na lalaki na isa ring returning OFW at taga-San Francisco, Agusan Del Sur.

Asymptomatic o walang iniindang sintomas ang tatlong nagpositibo sa COVID-19.

Dumating sa Caraga ang tatlo nitong Mayo 26.

Sa ngayon, isinailalim sa strict quarantine sa kani-kanilang lugar ang tatlong pasyente.

Bago pa man sila nakauwi sa Caraga ay kinunan na sila ng RT-PCR test para sa COVID-19 at nagnegatibo sila sa sakit. Pero nang kunan sila ulit ng swab test pagkauwi nila sa Caraga ay nagpositibo na ito sa sakit.

Wala naman silang pre-existing medical condition gaya ng hypertension, diabetes at asthma.

Sa buong Pilipinas, umabot na sa 18,086 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19, kung saan 3,909 na ang gumaling at 957 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.