Nanawagan ang pulisya na paghandaan ang dami ng tao at mabigat na trapiko sa ilang pamilihan, partikular na sa Divisoria sa Maynila.
Ito ay dahil inaasahan ang pagdami ng tao sa weekend para bumili ng school supplies.
Ipinapayo ng mga pulis na ingatang mabuti ang mga gamit, huwag makikipag-usap sa mga hindi kilala, at hangga’t maaari ay huwag isama ang mga bata sa pamimili.
Ayon kay Police Maj. Alden Panganiban, commander ng Juan Luna Police Commander Precinct, oras-oras ang kanilang clearing operations sa mga road obstructions na maaaring magpalala ng trapiko, partikular na umano ang ilang vendor na haharang sa daan.
"Iguguhit natin lahat ng vendors nang sa ganon lahat ng mga passers-by, 'yong mga mamimimili, 'yong mga ruta ng mga jeepney maipasok sa kani-kanilang mga ruta," ani Panganiban.
Bukod sa dami ng tao, dapat din daw paghandaan ang budget.
May taas-presyo raw kasi sa bentahan ng mga school supplies sa Divisoria. Tingin ng ilang tindera na nakaapekto ito sa kanilang benta.
Ito raw ay dahil sa taas-presyo ng mga ginagamit sa paggawa ng school supplies gaya ng papel at tela.
Dahil dito, hinikayat nilang bumili nang maramihan o wholesale ang mga mamimili kaysa bumili nang paisa-isa na school supplies para makatipid.
Halimbawa, kung P15 ang kada piraso ng notebook at P110 ang halaga ng 10 piraso nito, aabot sa halos P40 pesos ang matitipid.
Presyo ng school supplies (wholesale)
- Notebook (80 leaves) → P110/10 piraso (Retail: P15/piraso)
- Writing pad (80 leaves) → P140/10 piraso (Retail: P15/piraso)
- Lapis → P26/dosena (Retail: P10/piraso)
- Ballpen → P120/50 piraso (Retail: P10/piraso)
- Pambura → P40/40 piraso (Retail: P10/piraso)
- Pantasa → P24/24 piraso (Retail: P20/piraso)
- Crayon (8 kulay) → P96/8 kahon (Retail: P25/kahon)
- Folder → P97/25 piraso (Retail: P10/piraso)
- • Gunting → P66/dosena (Retail: P15/piraso)
- • Ruler → P42/dosena (Retail: P10/piraso)
- • Plastic cover → P330/50 metro (Retail: P25/5 metro)
Ganito umano ang ginagawa ni Del Buenamente, na diskarte niya raw para makamura taon-taon. Ibinebenta din daw niya ang mga natitirang piraso ng school supplies.
"Para po makamura, binebenta ko sa store ko," aniya.
Tumaas naman ng P10 ang presyo ng uniform na, ayon sa mga nagtitinda, epekto ng mas mahal na presyo ng tela.
PRESYO NG MGA UNIPORME
PAMBABAE
- Blouse →P110 hanggang P130
- Palda →P100 hanggang P160
PANLALAKI
- Polo →P110 hanggang P130
- Pantalon →P120 hanggang 170
- Shorts →P75 hanggang P85
IBA PANG KASUOTAN
- Sando →P35 hanggang P85
- Medyas →P50/3 pares
- Sapatos →P280 pataas
Patok din ang bag at rain gear sa mga mamimili.
SCHOOL ACCESSORIES
- Bag →P120 hanggang P300
- Payong →P100
- Kapote (nilalako) →P200
Natakda ang pormal na pagbubukas ng mga klase sa Hunyo 3, Lunes.
-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, TV Patrol Top, Divisoria, school supplies, education, Balik Eskwela, school opening, traffic, taas presyo, #PricePatrol, presyo ng bilihin