School supplies palit plastic bottles, proyekto ng grupo ng kabataan sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 05:26 PM

Ang “Palit Plastic Bottle” ay proyekto ng grupong Escoda Peacemaker, isang non-government organization na karamihan sa mga kasapi ay kabataan. Grace Alba, ABS-CBN News


MARCOS, Ilocos Norte – Isang grupo ng mga kabataan ang patuloy na umiikot sa isang barangay sa bayan para mamigay ng school supplies kapalit ng mga plastic bottle, ilang araw bago ang opisyal na pagbubukas ng klase sa Hunyo 3.

May katumbas ang dami ng ipagpapalit na plastic bottles sa makukuhang school supplies. Ang isang bote ay katumbas ng isang lapis. Puwedeng makakuha naman ng pencil case ang makapagpapalit ng limang bote habang ang tatlong bote ay puwedeng ipagpalit sa isang notebook, pad paper, o isang box ng krayola. 

Mas maraming bote, mas maraming school supply ang makukuha.

Ang residenteng si Ritzelle Nacionales na nagdala at ipinagpalit ang higit 20 plastic na bote ay nakakuha ng maraming school supplies mula sa grupo.

“Nakakuha ako ng apat na notebook, dalawang pad paper, dalawang ballpen, at dalawang lapis para sa aking mga anak,” sabi ni Nacionales.

Ang “Palit Plastic Bottle” ay proyekto ng grupong Escoda Peacemaker, isang non-government organization na karamihan sa mga kasapi ay kabataan.

Ayon sa grupo, bukod sa makatutulong sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagre-recycle ng mga plastic bottle, layunin nilang matulungan ang mga kabarangay.

“Kung maob-obserbahan kasi ay maraming namumroblema na mga magulang sa kung saan sila kukuha ng pambili ng mga school supply,” sabi ni Romnick Agag, secretary ng grupo.

Lubos din itong ikinatuwa ng inang si Analyn Tamayo dahil tamang-tama raw ito para sa darating na pasukan.

“Makakatipid ang mga magulang sa pambili ng mga school supply,” sabi ni Tamayo.

Nagpapasalamat din ang mga estudyante sa lugar dahil makatutulong daw ito sa kanilang mga magulang.

“May mga school supply na ako at hindi na pro-problemahin ito ng aking mga magulang,” sabi ni Bernadette Maluom, isang estudyante.

Ang mga nakolektang plastic bottle ay pagdidikit-dikitin para makagawa ng mga basurahan sa barangay.

Ang pondong ginamit na pambili sa school supplies ay galing sa buwanang kontribusyon ng mga kasapi ng grupo at donasyon mula sa ilang residente.

Tiniyak ng grupo na patuloy silang mag-iikot para mas marami pang estudyante ang matulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.