'Nakatiwangwang' na donasyon para sa mga sakuna pinuna, pinaliwanag

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 06:52 PM

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Office of Civil Defense (OCD) dahil sa hindi nito paggasta sa milyon-milyong donasyon para sana sa ilang malalaking sakuna na hinarap ng bansa noong mga nakalipas na taon. 

Sa dami ng trahedyang naranasan ng Pilipinas nitong nakalipas na dekada, dalawa ang talagang tumatak sa alaala at muntik nang nagpaluhod sa bansa.

Ito ang bagyong Yolanda noong 2013 at ang Marawi siege noong 2017.

Sa mga sakuna gaya ng mga ito, tungkulin ng OCD na siguruhing handa ang publiko at ang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga problemang darating.

Kaya marami ang nagulantang nang lumabas ang annual report ng COA para sa taong 2018.

Ayon sa report, sa P36,920,725 donasyon ng publiko para sa mga biktima ng Marawi siege, P10,000 lang nito ang ginamit ng OCD.

"Out of the total donated funds of P36,920,725.00, only P10,000.00 was utilized as financial assistance to only one (1) beneficiary of a dead victim of the Marawi siege," sabi sa COA report.
 
Ayon din sa COA, mayroon pang natitira sa OCD na P40,976,701.97 donasyon para naman sa mga biktima ng Yolanda.

Lumabas din sa report na sa taong 2018 ay P16.4 milyon ang ginastos ng mga tauhan ng OCD sa pagpapakarga ng gasolina’t diesel gamit ang quick response fund fleet card. Pero halos P13 milyon doon ay pinakarga sa mga panahong wala namang sakuna.
 
Nitong Biyernes, ipinaliwanag isa-isa ni OCD director Undersecretary Ricardo Jalad ang tatlong isyung ito.

Sa Marawi, mukha lang daw P10,000 ang ginastos nila dahil imbes na kumuha sila ng pondo mula sa mga donasyon ay humugot sila sa kanilang quick response fund para sa mga gastusin gaya ng pagpapalibing, pagpapakain, o pagpapatakbo ng mga evacuation center. 
 
"Kasi 'yun lang ang chinarge namin sa donated funds. The rest, doon sa quick response fund ng OCD, na at that time ay magkakaroon ng expiration. Itong donation walang expiration eh. So inuna naming gamitin ang quick response fund," paliwanag ni Jalad. 
 
Ayon kay Jalad, pinag-aaralan pa rin nila sa ngayon kung saan magandang ilaan ang hawak pa nilang P36 milyon ng donasyon para raw hindi madodoble ang proyekto ng iba pang ahensiya.
 
Tungkol naman sa nakatenggang donasyon para sa mga biktima ng Yolanda, totoo daw na nasa kanila pa ang P41 milyon na donasyon pero nitong Biyernes ng umaga ay nagkasundo sila at ang water district ng Tacloban na sa patubig na lang nila ilalaan ang pondong ito.

"Wala silang koneksiyon ng tubig... So popondohan namin 'yung procurement ng mga metro saka ibang pang accessories," sabi ni Jalad. 
 
Sa nasilip naman ng COA na tila maling paggamit ng mga fleet card sa mga gasolinahan, nilinaw ni Jalad na maaaring ginagamit ng iba ang fleet card kapag may mga mahahalagang meeting pero hindi nila hahayaang may mang-abuso nito. 
 
"Hindi naman namin pinapalagpas kung may violation. In fact, may kinasuhan kami sa Ombudsman... The utilization is outside of the region. So paano mo ma-justify 'yon."
 
Sineguro ni Jalad na hindi nawawala ang anumang mga donasyon, at ligtas pa ito sa kamay nila.

Katuwiran naman ng COA sa kanilang report: 
 
"[T]he poor utilization of the donated funds defeated the purpose of donation and that the good intention of the donors for human consideration was not fully served."


—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.