Manikuristang sinakal, itinulak sa jeep ng holdaper pumanaw na; 2 suspek huli

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 05:18 PM | Updated as of May 31 2019 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

1 sa mga suspek patay nang mang-agaw umano ng baril

MAYNILA (UPDATE) — Binawian na ng buhay noong Huwebes ng gabi ang manikuristang sinakal, tinangkang saksakin, at itinulak sa umaandar na jeep ng umano'y mga holdaper noong Mayo 26 dito sa siyudad. 

Matatandaang nasapul sa CCTV ang pagpupumiglas ng biktimang si Emelyta Legnes habang sinasakal ng isang holdaper. Matapos ang ilang saglit, makikitang itinulak ang biktima sa jeep at bumulagta ito sa Dimasalang Street.

Dinala pa sa pagamutan si Legnes pero matapos ang apat na araw ay binawian ito ng buhay dahil sa tinamong pinsala sa lakas ng pagbagsak niya. 

Noong gabi rin ng Huwebes matapos ang pagpanaw ng biktima, sinabi ng pulisya na nahuli na nila ang jeepney driver at holdaper na sangkot sa krimen.

Umamin ang jeepney driver na si Geoffrey Magdadaro na sangkot siya sa holdapan.

Itinuro niya ang kaibigan niyang nagpanggap na pasahero na si Enrique Lugtu na siyang sumakal at tumulak kay Legnes.

"Sinakal niya, nagpambuno pa sila," kuwento ni Magdadaro. Inamin din niyang nakadroga sila nang gabing iyon.

Itinanggi naman ni Lugtu na kasabwat siya sa holdapan.

Napag-alaman ng pulisya na may tatlong kaso ng robbery-holdap si Lugtu habang nakulong na rin dahil sa ilegal na droga si Magdadaro.

Nasa P2,000 at isang cellphone ang sinasabing nanakaw ng mga suspek kay Legnes.

Ayon kay Angelica Legnes, anak ng manikuristang biktima, nagpapasalamat ang kanilang pamilya dahil nahuli na ang mga suspek. 

"Kahit na masakit sa amin ang nangyari, nagpapasalamat kami kahit papaano nabigyan ng hustisya ang nangyari... Sana hindi na sila makalabas ng kulungan," sabi niya.

Nitong alas-4 ng hapon Biyernes, sinabi ng pulisya na napatay nila si Lugtu.

Ayon sa Santa Cruz, Manila police station, nabaril si Lugtu matapos na mang-agaw ng baril ng pulis habang isinasailalim sa booking.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.