Libreng sakay ipatutupad sa Hunyo sa Bacolod City

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 05:19 PM

Iikot sa anim na ruta sa lungsod ang 15 units ng Euro 4 Modernized Jeepney para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero sa Bacolod City. Mitch Lipa, ABS-CBN News


BACOLOD CITY - Nasa 15 na Euro 4 Modernized Jeepney ang handang magbigay ng libreng sakay sa commuters ng Bacolod City sa buwan ng Hunyo.

Ang United Negros Transport Cooperative o UNETCO ang mamamahala sa operasyon ng modernized jeepney. 

Ayon sa kay Marcelo Ochia, presidente ng UNETCO, may anim na ruta muna sa lungsod ang iikutan ng free ride. Ang mga unit ay mula sa iba’t ibang car company.

Ito ang pasimula sa isinusulong na modernized public transport sa ilalim ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Sa ilalim ng programa, ang mga public utility vehicle na 15 taon pataas ay hindi na mabibigyan ng prangkisa.

Nasa P1.8 milyon hanggang P2 milyon ang halaga ng bawat makabagong unit at ito’y mabibili lamang sa kooperatiba na siyang mag-aayos ng loan sa bangko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.