Comelec bukas sa hirit ni Duterte tungkol sa Smartmatic

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 06:35 PM | Updated as of May 31 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bibig na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nanggaling: Palitan na ang Smartmatic at huwag na lang mag-bidding para sa susunod na halalan.

Sinabi niya ito sa harap ng Filipino community sa Japan noong Huwebes. 

"I would like to advise Comelec (Commission on Elections) now... dispose of that Smartmatic and look for a new one that is free of fraud. Anything that promotes cheating huwag ka... Kaya 'yang bidding na 'yan alisin talaga ninyo 'yan," aniya. 

Paglilinaw naman ng Malacañang, hindi sinasabi ng Pangulo na hindi kapani-paniwala ang nakaraang halalan bagkus ay sinisisi lang nito ang Smartmatic sa mga kapalpakan at aberyang naitala.

"The President’s latest remarks on Smartmatic does not mean that the just concluded elections is not honest nor credible. It is. The president’s remarks is a response to some concerns raised... on the technological competence of Smartmatic," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Ang Smartmatic ang nag-supply ng vote counting machines (VCM) noong 2016 elections na binili ng Comelec at ginamit din nitong nakaraang halalan.

Smartmatic din ang nanalo sa bidding para sa transmission ng resulta mula sa VCMs papunta sa Comelec central server, canvassing centers, at transparency server.

Maaalalang pitong oras naantala ang pagpapalabas ng partial at unofficial results mula sa transparency server sa gabi ng halalan dahil nagkaproblema sa file transfer manager na nagpapadala ng resulta mula sa transparency server papunta sa media at Parish Pastoral Council for Responsible Voting.

Pero paglilinaw ng Comelec, walang naging problema sa transmission mismo. Gayunman, ayon sa ahensiya, seseryosohin nila ang pahayag ng Pangulo.

"We hear him. Isa siyang stakeholder, importanteng stakeholder. We will consider his suggestion," ani Comelec Commissioner Luie Guia.

Pero may proseso daw na dapat sundin ukol sa bidding.

"Under tayo ng Commission on Audit rules, under tayo ng rules na nagre-require ng public bidding. Kung magagawan natin ng paraan diyan, bakit hindi," sabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez. 

Hindi rin daw puwedeng basta-basta pagbawalan ang Smartmatic sa paglahok sa bidding.

"Kakailanganin natin ng legal bases to ban any supplier," ani Jimenez. 

"Tingnan if there will be a basis to exclude a particular group from procurement," sabi naman ni Guia. 

Wala pang inilalabas na pahayag ang Smartmatic.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.