1 sa pasahero ng nahulog na jeep sa tulay sa Cagayan, pumanaw na

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 04:59 PM | Updated as of May 31 2019 05:23 PM

Mechanical error umano ang dahilan sa pagkahulog sa tulay ng pampasaherong jeepney. Larawan muna sa Balita Ngayon Facebook group

TUAO, Cagayan – Pumanaw na ang isa sa mga pasaherong nasugatan nang mahulog ang sinasakyang jeepney sa tulay sa Barangay Alabiao dito sa bayan, Huwebes ng hapon.

Ayon kay Police Maj. Reymond Asistores, hepe ng Tuao Police, bandang hatinggabi ay binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang pasaherong si Tita Baligod, 59, residente ng Barangay Accusilian.

“Dun siya sa right side, naipit siya pagkahulog doon mismo, kasi halos napitpit nang bahagya 'yung sasakyan,” sabi ni Asistores.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing Tuguegarao City ang jeep na minanameho ni Nelson Agliam nang nakaranas umano ng mechanical problem habang binabaybay ang Itawes Bridge.

“Ayon sa driver, natanggal daw 'yung ball joint ng jeep,” sabi ni Asistores.

Sa ngayon, anim pang pasahero ang nagpapagaling sa ospital habang nakalabas na ang ibang biktima.

Nasa kustodiya na rin ng Tuao Police ang driver ng jeep na sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.