Trak na may kargang sako-sakong soya, tumagilid sa Mandaue

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 05:56 AM | Updated as of May 31 2018 06:34 AM

CEBU - Tumagilid ang isang 10-wheeler truck na may kargang sako-sakong soya sa A. Soriano Ave., Mandaue City Miyerkoles ng gabi.

Nagdulot ito ng bahagyang pagbagal sa daloy ng trapiko dahil sa mga tumapon na sako ng soya.

Ayon kay PO1 Ruben Dayon ng Mandaue City Police Office - Traffic Group, nawalan umano ng preno ang trak na minamaneho ni Alex Sinsano.

Kuwento naman ni Sinsano, galing sila ng Lapu-Lapu City at patungo sa bayan ng Minglanilla para ihatid ang mga soya nang mangyari ang aksidente alas-8:30 ng gabi.

Umabot ng halos 2 oras bago naalis ang mga sakong tumapon sa daan.

Nagtamo naman ng galos sa katawan ang drayber at isang pahinante ng trak.

Mahaharap si Sinsano sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property. - ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.