Pulis, namaril umano dahil sa alitan sa daan

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 06:24 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang pulis matapos umano niyang barilin ang isang negosyante dahil sa alitan sa kalsada sa Marikina City Miyerkoles ng gabi.

Sumuko sa pulisya si PO1 Edgar Villamil Jr. na nakadestino sa Pasig City.

Patay naman ang negosyanteng si Esteban Bunga, 35-anyos, na nagtamo ng 7 tama ng baril.

Ang isang kasamahan ni Bunga ay tinamaan din ng bala ng baril sa paa at nagpapagamot sa ospital.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng AUV, kasama ang 8 iba pa, habang patungong Apayao.

Pinalo umano ni Villamil na sakay ng bisikleta ang side mirror ng AUV at minura si Bunga pasado alas-9 ng gabi.

Bumaba ang biktima sa sasakyan para komprontahin ang suspek.

Sinubukan din ng ilang residente at kasamahan ni Bunga na awatin ang insidente, pero bigla umanong nagpaputok ng baril si Villamil.

Dinala pa sa ospital si Bunga, pero binawian din ng buhay alas-2 Huwebes ng madaling-araw.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng 9mm pistol. Aalamin pa ng mga awtoridad kung service firearm ang ginamit ng suspek sa pamamaril. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.