Panukalang BBL, lusot sa Kamara sa huling araw ng sesyon

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 04:33 AM | Updated as of May 31 2018 09:22 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 6475 o ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sa botohan sa plenaryo, 227 mambabatas ang pumabor, 11 ang kumontra, at 2 ang nag-abstain.

Naganap ang pinal na botohan sa huling araw ng second regular session ng Kongreso.
    
Naging mabilis ang nominal voting sa third reading ng bill matapos itong sertipikahang "urgent" ng Malacañang sa pag-uutos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Samantala, kasalukuyan namang dinidinig pa sa Senado ang parehong panukala.

Isa sa napagdesisyunan ng Senado ay ang pagbaba sa 5 porsiyento ng annual block grant na ibibigay sa Bangsamoro region mula sa naunang proposal na 6 porsiyento. 

Ibig sabihin, mula sa tinatayang P73 bilyon ay bababa sa P62.5 bilyon ang makukuha ng naturang rehiyon kapag naaprubahan na ang BBL.

Inamyendahan din ang wealth sharing clause ng BBL sa Senado. 

Mula sa orihinal na 75/25 na hatian kung saan 25 porsiyento lang ng makokolektang buwis sa rehiyon ang mapupunta sa national government, ginawa itong 50/50 upang maging pantay ang Bangsamoro region at pamahalaan.

Dahil dito, inaasahang magpupulong na ang mga kinatawan ng Kamara at Senado para pagtugmain ang kani-kanilang bersiyon ng BBL.

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng isang Bangsamoro political entity na hahalili sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ito ang nakikitang solusyon upang magkaroon ng mas malawak na self-rule ang mga Muslim sa kanilang mga probinsiya at siyudad. 

Nauna nang sinabi ni Duterte na ang pagpapasa ng BBL ay isang pagtatama sa "historical injustices" na dinanas ng mga Moro.

Nauna nang sinubukang ipasa ang BBL noong nakaraang administrasyon sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino ngunit hindi na ito umarangkada matapos ang madugong "Mamasapano Clash" noong 2015. - Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.