Palitan ng opisyal sa Veterans Federation of the Philippines, nauwi sa girian

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 11:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagkaroon ng tensiyon nitong Huwebes ng umaga sa compound ng Veterans Federation of the Philippines (VFP) sa Maynila.

Dumating kasi ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND) para ipatupad ang termination order laban sa acting president ng VFP na si retired Col. Bonifacio De Gracia.

Ayaw daw kasing bumaba sa puwesto ni De Gracia at ikinandado pa ang gusali upang magtago sa loob.

"Tinanggal na siya ng competent authority. Ang nagtanggal sa kaniya si Secretary of National Defense," ani Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) administrator Ernesto Carolina.

Disyembre 2017 nang mahalal si De Gracia bilang presidente ng opisina at ayaw niyang kilalanin ang bagong kautusan ng DND dahil may sarili daw silang charter na sinusunod. 

Pero ayon kay Carolina, nakalagay sa kanilang Department Order na ang VFP ay direktang nasa supervision ng DND ang anumang aksyon o desisyon nito.

Ang VFP ay isang government-owned-and-controlled-corporation sa ilalim ng DND na binuo para pangalagaan ang kapakanan ng mga beterano at mga beneficiaries nito.

Ang mga supporter ni De Gracia at mga anak at apo ng mga beterano, nag-vigil sa labas ng opisina at hinarangan ang pinto habang nagdadasal.

Tumagal ang negosasyon sa pagitan ng mga miyembro ng VFP at mga tauhan ng DND, pero alas-12 ng tanghali ay pinuwersa nang buksan ang pintuan ng opisina.

Pinapasok ang mga bagong iluluklok na opisyal kabilang ang bagong presidente ng VFP si retired justice at war veteran Manuel Pamaran.

Ngunit habang nangyayari ito sa loob ng tanggapan ng VFP ay isinakay na pala sa ambulansiya si De Gracia dahil tumaas daw ang presyon nito.

Ayon naman kay Carolina, miyembro pa rin naman si De Gracia ng VFP pero iimbestigahan daw ng Commission on Audit kung may anomalya sa kaniyang termino.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.