Mga bala ng 81-mm mortar, natagpuan sa gilid ng kalsada sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 09:56 PM

CARMEN, North Cotabato—Limang bala ng 81-millimeter mortar at ilang gamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED) ang natagpuan ng mga awtoridad ilang metro lamang ang layo sa isang checkpoint sa bayan na ito Huwebes.

Nakatanggap ng report ang militar na mayroon umanong ibibiyaheng mga pampasabog mula Barangay Tonganon papuntang Barangay Kibayao.

Agad na naglagay ng checkpoint ang mga miyembro ng 7th Infantry Battalion sa pagitan ng 2 barangay.

Matapos ang ilang minuto, natagpuan ang isang bag na may lamang 5 bala ng 81-millimeter mortar at IED components.

Ayon kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, mayroon umanong 2 lalaking nakasakay sa motorsiklo na hindi na tumuloy nang makita ang checkpoint.

"Doon nila iniwan ang bag sa gilid ng kalsada na may laman pala na mga bala ng 81-mm," aniya.

Ang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang itinuturong nasa likod ng pag-iwan ng mga pampasabog.

Dati nang naging target ng operasyon ng militar kontra BIFF ang Barangay Tonganon kung saan pinaniniwalaang nagmula ang mga bala.

" 'Yung mga pampasabog na ganu'n, signature 'yun ng BIFF at 'yung area na 'yun, 'yun 'yung naging center ng operation laban kay Abu Turaifie na leader ng Daesh-inspired na BIFF faction," ani Encinas.

Itinanggi naman ng BIFF na sa kanila ang mga pampasabog na natagpuan.

Ayon sa militar, malaking bagay ang pagkatagpo sa mga pampasabog dahil napigilan ang tangkang panggugulo at karahasan ng mga rebeldeng grupo.

Nitong Linggo, isang pampasabog din ang natagpuan sa bayan ng Tacurong, Sultan Kudarat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.